Agarang pag-apruba sa panukalang dagdagan pa ang ayuda sa ilalim ng 4Ps, panawagan ng lider ng minorya sa Kamara

Hinikayat ni House Minority Leader at 4Ps Party-list Rep. Marcelino Libanan ang mga kapwa mambabatas na ipasa na ang panukalang batas na magdadagdag ng conditional cash transfer grants sa ilalim ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps.

Diin ni Libanan, kailangan nang pag-ibayuhin ang programa upang matulungan ang mga mahihirap na pamilyang pilipino sa gitna ng patuloy na tumataas na gastusin para mabuhay.

Iginiit ni Libanan na hindi na sapat ang halaga ng ayudang nakapaloob sa 4Ps para matugunan ang pangangailangan ng mahihirap nating kababayan sa edukasyon, kalusugan at nutirsyon.

Batay sa House Bill No. 120 ay itataas sa 500 pesos kada buwan ang grant sa bawat bata na naka-enroll sa daycare at elementarya habang gagawin 700 pesos naman ang grant sa junior high school at 900 pesos sa senior high school.

Binanggit ni Libanan na ang health grant naman ay itataas sa 1,800 pesos kada buwan at magkakaroon din ng monthly “food and nutrition” grant na nagkakahalaga ng 600 pesos.

Facebook Comments