Agarang pagdinig sa petisyon laban sa paglipat ng pondo ng PhilHealth, apela ng isang kongresista sa Supreme Court

Nananawagan si Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez sa Supreme Court (SC) na magsagawa agad ng pagdinig ukol sa kwestyunableng paglilipat sa national treasury ng ₱89.9 billion na pondo ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth).

Ipinunto ni Rodriguez na kung matatagalan ang hearing ng Supreme Court ay baka magastos na ang lahat ng pondo pagsapit ng Enero at wala ng maibalik pa sa PhilHealth.

Tinukoy ni Rodriguez na ngayong taon ay unang nailipat ang ₱20 billion PhilHealth funds sa national treasury noong May 10, nasundan ito ng ₱10 bilyon noong August 21 ₱30 bilyon naman ang ililipat pang pondo ng PhilHealth sa October 16 at ₱39.9 bilyon sa November.


Giit ni Rodriguez, ang PhilHealth fund transfer ay malinaw na paglabag sa Republic Act No. 11223 o Universal Health Care Act.

Una ring binatikos ni Rodriguez si Health Secretary Teodoro Herbosa at PhilHealth President Emmanuel Ledesma dahil sa kanilang kabiguan na protektahan ang PhilHealth funds na dapat ay gamitin lamang para sa mga benepisyong nakalaan sa mga miyembro nito.

Facebook Comments