Agarang pagpasa sa panukalang Department of Overseas Filipinos, inihirit ng dalawang senador

Nakiusap sina Senators Christopher “Bong” Go at Ronald “Bato” Dela Rosa sa mga kasamahang mambabatas na iprayoridad at ipasa ang panukalang pagtatag ng Department of Overseas Filipinos o DOFil.

Ang DOFil ang maglalatag ng mga pambansang polisiya at programa para sa mga Pilipino na nagtatrabaho sa ibang bansa at ito rin ang otomatikong tutulong kapag nagkaproblema ang Overseas Filipino Workers (OFWs) sa trabaho o kapag naharap sa kaso.

Apela ni Go, huwag ipagkait ang departamentong ito para sa mga mahigit 10 million ang mga kababayan natin sa ibayong dagat na maituturing na bayani ng kasalukuyang henerasyon.


Paliwanag naman ni Dela Rosa, sa ilalim ng DOFil ilalagay ang magkakahiwalay na mga ahensya na pare-parehong may mandato at tungkulin na proteksyunan ang karapatan, kapakanan at karapatan ng mga OFWs.

Sa Senado ay tatlong pagdinig na ang naisasagawa ukol sa panukala na tinututulan ng ilang senador dahil magiging dagdag gastos umano bukod sa may mga kinauukulang mga ahensya naman ngayon ang tumutugon at tumutulong na sa mga OFWs.

Facebook Comments