Umapela si Bicol Saro Party-list Representative Brian Raymund Yamsuan sa mga kasamahang mambabatas na agad ipasa ang House Bill 276 o panukalang Institutionalization of Digital Technology in Public Education Act.
Nakapaloob sa panukala ang paglalagak ng gobyerno ng paunang pondo na P500 million para imodernisa ang mga pampublikong paaralan sa buong bansa.
Diin ni Yamsuan, malaking tulong ang teknolohiya sa mga guro at estudyante lalo na sa pagsasagawa ng online classes tuwing may kalamidad tulad ng pananalasa ng bagyo at mga pagbaha.
Binanggit ni Yamsuan na makikita sa bagong guidelines o patakaran na inilabas ng Department of Education (DepEd) ukol sa pagsuspinde ng klase na kailangan talaga ang agarang pamumuhunan ng bansa sa digital technology sa public schools.
Dagdag pa ni Yamsuan, napatunayan sa nangyaring COVID-19 pandemic kung gaano ka-epektibo ang digital technology bilang crisis management tool para matiyak na tuloy sa pag-aaral ang mga estudyante kahit nagpatupad noon ng lockdown.