Inihirit ng limang kongresista sa Kamara na madaliin ang pagpasa sa panukala para i-regulate ang paggawa, pagbebenta at paggamit ng single-use plastic sa bansa kaugnay sa pagsusulong ng ‘greener and more sustainable economy’ para sa susunod na henerasyon.
Hiling ito nina Davao City Rep. Paolo Duterte, Benguet Rep. Eric Yap, Quezon City 2nd District Rep. Ralph Tulfo, ACT-CIS Partylist Reps. Edvic Yap at Jocelyn Tulfo kasabay ng selebrasyon ng Earth Day ngayong araw at Month of Planet Earth ngayong Abril.
Sa House Bill 507 na inihain ng limang mambabatas ay nakasaad na unti-unting babawasan ang paggamit ng single-use plastic gaya ng utensils, tableware, straw, stirrer, sachet at pouch sa loob ng apat na taon hanggang sa tuluyan na itong ipagbawal.
Nakakasiguro si Duterte na hindi ito mahirap gawin dahil naipatupad na ito sa Davao City sa pamamagitan ng ordinansa noon pang 2021 bukod sa inilunsad ng kanyang distrito na “save the earth – no to plastic bags movement.”
Naipasa na ng Mababang Kapulungan ang panukalang nagpapataw ng ₱100 excise tax sa kada kilo ng single-use plastic pero ayon kay Duterte ay hindi ito sapat dahil wala pa ring batas na tuluyang nagbabawal sa paggamit nito.