Agarang pagsasaayos sa mga nasirang paaralan, hiniling na ng DepEd sa DPWH at LGUs

Nanawagan na ang Department of Education (DepEd) na agad maisaayos ang mga silid-aralan na nasira kasunod ng pagtama ng magnitude 6.9 na lindol sa Cebu kahapon.

Ayon kay Education Undersecretary for Operations Malcolm Garma, hiniling na nila sa Department of Public Works and Highways o DPWH at sa mga lokal na pamahalaan para sa agarang pagsasaayos ng mga nasirang paaralan.

Tiniyak ng DepEd na tutulong sila sa pagpapabilis ng rehabilitasyon ng mga nasirang paaralan katuwang ang iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan.

Sa pinakahuling situation report ng DepEd, kabilang sa mga napinsala ang mga paaralan sa Region 6, 7, 8, at Negros Island Region dahil sa malakas na pagyanig.

Apektado ng pagyanig ang 2,220 na mga mag-aaral at 90 school personnel.

Handa naman ang DepEd na magpatupad ng learning recovery measures para sa mga araw na walang pasok.

Kasabay nito, tiniyak ng DepEd na magbibigay sila ng pansamantalang silid-aralan at tulong para sa mga apektadong mag-aaral at guro.

Facebook Comments