Ipinanawagan ng ilang labor group ang agarang pagsibak kay Philippine Ambassador to Brazil Marichu Mauro kasunod ng pagmamaltrato nito sa isang Pinay domestic helper.
Ayon sa Pagkakaisa ng Uring Manggagawa (PAGGAWA), sa halip na proteksyunan ang mga manggagawang Pilipino sa abroad ay ito pa ang gumagawa ng kalupitan sa OFW.
Kinuwestyon din ng grupo ang pananahimik ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa isyu na dapat anila’y kaisa nila sa panawagang masibak ang ambassador.
Para naman sa Migrante Philippines, hindi lang dapat ma-dismiss sa serbisyo si Mauro, pero dapat din siyang makasuhan sa korte.
Nitong Lunes, ipina-recall na ng Department of Foreign Affairs (DFA) si Mauro para pagpaliwanagin sa na-“hulicam” na pagmamaltrato nito sa kaniyang Pinay service staff.
Habang kahapon ay nagbigay na rin ng go signal si Pangulong Rodrigo Duterte para simulan ng DFA ang kanilang imbestigasyon.