Sa loob ng 15 minuto ay agad na tinapos ng House Committee on Appropriations ang pagtalakay sa mahigit P10.5 billion na budget ng Office of the President para sa susunod na taon na pinapangunahan ni Committee Vice Chairman Navotas Rep. Toby Tiangco.
Isinulong ni Abra Rep. Ching Bernos na agad i-terminate ang budget hearing para sa OP alang-alang sa inter-parliamentary courtesy dahil isasalang pa naman ito sa debate sa plenaryo.
Ang putong ito ay mariing inalmahan ng mga kongresistang kasapi ng Makabayan Bloc dahil unfair din ito sa para sa proposed budget ng Office of the Vice President na masusi nilang binusisi.
Ayon kay Kabataan Party-list Rep. Raoul Manuel, nais niyang talakayin ang pananatili ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict o NTF-ELCAC at ang patuloy na mga paglabag ngayon sa mga karapatang pantao.
Nais namang talakayin ni Gabriela Party-list Representative Arlene Brosas ang hinggil sa unprogrammed funds at ang foriegn policy ng administrasyon Marcos gayundin ang patuloy nitong pagdikit sa Estados Unidos sa gitna ng patuloy na pagtaas ng tensyon sa West Philippine Sea.
Si ACT Teachers Party-list Representative France Castro naman ay nais maungkat isyu ng confidential and intelligence fund at at ang isyu ng ill-gotten wealth sa pamilya Marcos.
Tinukoy ni Castro ang Paoay Complex sa Ilocos Norte na idineklara aniya ng Supreme Court na ill-gotten wealth.