Agarang pagtugon at pananagutan sa landslide sa Cebu na ikinasawi ng walo, ipinanawagan ng EcoWaste Coalition

Nanawagan ang environmental group na EcoWaste Coalition sa mga lokal na pamahalaan at ahensya ng gobyerno na tiyakin ang agarang tulong-medikal, kompensasyon, at psychosocial support para sa mga pamilyang naapektuhan ng landslide sa Cebu.

Batay sa pinakahuling datos, walo na ang kumpirmadong nasawi sa landslide sa Binaliw Landfill sa Cebu City na naganap noong January 8.

Ayon sa grupo, mahalaga ang agarang pagtugon at pananagutan sa naturang insidente, lalo’t may ilan pang nawawala habang nagpapatuloy ang search and rescue operations.

Dahil dito, hiniling din ng EcoWaste Coalition ang pagsasagawa ng malinaw at independent na imbestigasyon sa operasyon ng landfill, kabilang ang kondisyon ng mga istruktura at pagpapatupad ng mga safety protocol.

Binigyang-diin ng grupo na malinaw na ipinapakita ng trahedya ang panganib ng hindi ligtas na pamamahala ng basura at ang matagal nang kapabayaan sa kaligtasan ng mga komunidad at manggagawang nasa paligid ng mga dumpsite, partikular ang mga informal waste workers.

Panukala rin ng EcoWaste Coalition ang pagsasara ng mga hindi ligtas na pasilidad at ang ganap na pagpapatupad ng Republic Act No. 9003 o Ecological Solid Waste Management Act upang maiwasan ang kahalintulad na trahedya sa hinaharap.

Facebook Comments