Sa pagdiriwang ng Earth Day ngayong April 22, muling-binigyang diin ng dating senador at tumatakbo ulit na senador na si Loren Legarda, na dapat mapagtuonan ng pansin ang kalikasan lalo na’t ramdam na natin ang mapanirang epekto ng climate change.
Ayon kay Legarda, na ang isa sa mga epekto na ito ay makikita sa kamakailan lamang na pagsalanta ng bagyong Agaton sa Visayas lalo na sa Leyte.
Hinamon din ni Legarda ang mga kandidatong tumatakbo sa iba’t-ibang posisyonn na ibahagi ang kanilang mga nagawa, hindi lang ang mga plano, upang mapangalagaan ang kalikasan, at tumugon sa hamon na dulot ng climate change.
Nanawagan din ang dating senador para sa mas maigting na implementasyon ng mga batas na kanyang inakda noong siya pa ay nasa senado katulad ng Ecological Solid Waste Management Act, Clean Air Act, Clean Water Act, Rainwater Collection Act, National Integrated Protected Areas System (NIPAS) Act, National Environmental Awareness and Education Act, Renewable Energy ActClimate Change Act, as amended by the People’s Survival Fund Act, Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act, and Wildlife Resources Conservation and Protection Act.
Hiniling din ni Legarda ang pakikipagtulungan ng pribadong sektor upang makapagbigay ng oportunidad para sa green jobs at implementasyon ng kanilang mga net zero carbon programs maliban sa Corporate Social Responsibility (CSR), at magsulong ng sustainable na pamamaraan ng pagnenegosyo.
Payo naman ni Legarda sa mga mamamayan na magtipid ng kuryente at tubig, umiwas sa paggamit ng single-use plastic, magresikolo, magtanim sa bakuran o kahit sa mga paso lamang, at hindi pag-aaksaya ng pagkain upang makatulong na masolusyonan ang kasalukuyang krisis sa klima.###