Agarang pagtulong ng 2 pulis sa babaeng naputulan ng braso matapos masagasaan ng tren, kinilala ni PNP Chief Dela Rosa

Manila, Philippines – Kinilala ni Philippine National Police (PNP) Chief Dela Rosa ang pagiging mabuting tao ng dalawang pulis matapos ang mabilis na pagresponde sa babaeng naputulan ng kamay matapos masagasaan ng tren kamakailan.

Ayon kay Eastern Police District (EPD) Director Police Chief Supt. Romulo Sapitula, natuwa si PNP Chief Dela Rosa na mabalitaan dalawang pulis na kinilalang si PO2 Danilo Agustin Jr., isang rehistradong nars, at PO1 Ramil Almano ang agad na nakapagbigay ng tulong medikal sa babaeng si Angeline Fernando.

Sa pagkakaroon ng ‘presence of mind’ ni PO2 Agustin, mabilis itong gumawa ng paraan kasama ang isang babaeng medical intern upang mapigilan ang patuloy ng pag-agos ng dugo mula sa putol na braso ni Fernando.


Habang si PO1 Almano ay mabilis na kumuha ng stretcher upang maitakbo agad sa ospital ang bitkima.

Dahil sa pagpapakita ng mabuting asal ng dalawang pulis, agad na inutos ni PNP Chief ang pagbibigay nararapat na parangal sa dalawa.

Ang mga katulad aniya nila PO2 Agustin at PO1 Almano ay dapat na maging huwaran ng lahat.

Bilang rehistradong nars at sa ipinakitang galing sa pagbibigay ng first aid sa emergency situation kailangan daw ngayon ng PNP health Service ang mga katulad ni PO2 Agustin.


Facebook Comments