Agarang panunumbalik ng kuryente sa Masbate matapos manalasa ang Bagyong Opong, tiniyak ng DOE

Tiniyak ng Department of Energy (DOE) kasama ang National Electrification Administration, National Power Corporation, mga electric cooperative at oil industry partners ang mabilis na panunumbalik ng kuryente sa Masbate.

Ito’y matapos na padapain ng Bagyong Opong na sumira sa ilang kabahayan, pananim at mga linya ng kuryente.

Ayon sa Energy Department, nag-deploy na sila ng 40 Task Force Kapatid teams mula sa iba’t ibang rehiyon para sa pagbibigay ng mga generator sets sa mga lugar na nawalan ng kuryente.

Gamit umano ang tulong ng Philippine Navy, Office of the Civil Defense Bicol at Philippine Ports Authority (PPA) para sa mabilis na transportasyon sa mga apektadong lugar.

Bukod pa rito, naghahanda na rin ang National Power Corporation ng mga generator para sa mga ospital upang masiguro ang tuloy-tuloy na operasyon ng mga ito.

Una nang sinabi ni Governor Richard Kho na maaring abutin ng 30 araw ang pagsasa-ayos at pagbalik ng kuryente sa mga lugar sa Masbate, matapos sumailalim sa state of calamity dahil sa hagupit ng Bagyong Opong.

Ang Bagyong Opong na rin ang pinakamalakas na tumama sa lalawigan ng Masbate na kahit handa umano ang probinsya sinabi nitong hindi nila inasahan na ganito kalaki ang magiging pinsala ng bagyo.

Facebook Comments