Hiniling ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Migrant Workers (DMW) na agad iproseso ang pagpapa-uwi sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na naiipit sa kaguluhan sa pagitan ng Israeli Forces at Palestinian Militant Group na Hamas.
Ayon kay Romualdez, ang pagnanais ng mga Pilipino na makabalik sa Pilipinas ay isang indikasyon na hindi maganda ang sitwasyon sa nagaganap na Israel at Gaza.
Tinukoy ni Romualdez na batay sa datos mula sa DFA, ay 131 Pilipino ang nasa Gaza, 92 indibidwal ang nagpahayag ng pagnanais na makabalik ng bansa habang sa Israel naman ay nasa 22 Pilipino ang pormal na nag-request na sila ay makauwi.
Binanggit ni Romualdez na ang mga mercy flight ay hindi naman kailangang lumapag sa Israel dahil maaari itong gawin sa Egypt o Jordan para matiyak ang kaligtasan ng mga OFWs.
Samantala, katuwang si Tingog Party-list Representative Yedda Marie Romualdez ay magbibigay ng personal na tulong na tig-P500,000 si Romualdez sa pamilya ng tatlong Pilipino na kumpirmadong nasawi sa kaguluhan sa Israel.