
Nanawagan si House Committee on Energy member at Ako Bicol Party-list Rep. Alfredo Garbin Jr. para sa agarang rollback sa presyo ng kerosene at liquefied petroleum gas (LPG) sa harap ng patuloy na pagtaas ng bilihin.
Mungkahi ni Garbin, ibalik sa mas abot-kayang antas ang presyo ng kerosene at LPG, o sa P70 hanggang P80 kada litro ng kerosene at P900 hanggang P950 para sa 11-kg na LPG tank.
Giit ni Garbin, hindi na makatarungan ang kasalukuyang presyo ng kerosene at LPG, lalo na sa gitna ng umiiral na state of national energy emergency.
Babala ni Garbin, kung mananatiling mataas ang presyo ng kerosene at LPG ay tataas din ang presyo ng mga ulam sa mga karinderya habang ang iba ay mapipilitang gumamit ng uling at kahoy na panggatong o kaya ay magsasara na lang.
Ayon kay Garbin, sa mga karinderya umaasa ang maraming Pilipino para sa abot-kayang pagkain araw-araw kaya kapag sila ang bumagsak ay tiyak na may domino effect ito sa buong komunidad.










