AGARANG SOLUSYON, HILING NG MGA APEKTADONG RESIDENTE SA PAGGUHO NG NAGYUBUYUBAN ROAD, LA UNION DAHIL SA BAGYONG NANDO

Umaapela ng agarang solusyon ang mga apektadong residente mula sa pagguho ng bahagi ng Nagyubuyuban Road sa San Fernando City, La Union dahil sa bagyong Nando.

Nitong linggo, biglang gumuho ang bahagi ng kalsada na karugtong ng Nagyubuyuban Bridge dahil sa erosion dulot ng diretsong pag-uulan.

Isang trabahante ang naabutan ng IFM News Dagupan, na bitbit ang sako ng feeds na itinatawid sa kabilang bahagi ng nasirang daan.

Isa umano ito sa dapat matugunan dahil apektado ang pag-aangkat nila ng kalakal.

Isang guro rin ang nakapanayam ,na kinailangan umanong iwan sa kabilang bahagi ng kalsada ang motorsiklo at maglalakad patungo sa paaralan.

Bagaman pinayagan naman na magmodular learning muna ang mga mag-aaral na nasa kabilang bahagi ng sirang kalsada, mas mainam pa rin umano na makapunta sila sa eskwelahan.

Bilang pansamantalang solusyon, gumawa muna ng kahoy na hagdan at nilinisan ng mga residente ang bahagi ng bundok sapat para sila’y makadaan.

Malayo din umano ang alternatibong ruta na iikot pa sa Naguilian, La Union at maaaring abutin ng ilang oras ang byahe.

Sa magkabilang bahagi ng nasirang kalsada ay mga pampublikong paaralan na may daan-daang mag-aaral at negosyanteng nagnanais kumita kaya sana ay maisaayos na umano ang kalsada sa lalong madaling panahon. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments