Hiniling ng Makabayan Bloc sa Senado at Kamara na i-utos ang agarang suspensyon sa pagpapatupad ng pagtaas ng singil sa tubig na nakatakdang magsimula ngayong Enero 2023.
Nakapaloob ang apela sa House Joint Resolution 17 na inihain nina Gabriela Women’s Party-list Representative Arlene Brosas, ACT teachers Party-list Rep. France Castro at Kabataan Party-list Rep. Raoul Manuel.
Nakasaad sa resolusyon na pinayagan ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System o MWSS ang taas-singil ng Manila Water at Maynilad, sa susunod na limang taon simula ngayong Enero hanggang 2027.
Tinukoy sa resolusyon na Nobyembre ng nakaraan nang aprubahan ng MWSS board ang “rate rebasing adjustments” ng dalawang water concessionaire.
Giit ng Makabayan, dapat masuspinde ang naturang water rate hike sa gitna ng mataas pa ring presyo ng mga bilihin at serbisyo, bagsak na ekonomiya, at walang sapat na trabaho at mababang kita.
Diin ng Makabayan, ang implementasyon ng taas singil sa tubig ay magpaparusa mga Pilipino lalo na sa mga mahihirap na pamilya.