Mariing kinondena ni Overseas Workers Affairs Committee Chairman & KABAYAN Partylist Rep. Ron Salo ang pag-atake ng Houthi rebels sa Gulf of Aden na ikinasawi ng dalawang Pilipinong seafarers habang ang iba ay nasugatan.
Bunsod nito ay nanawagan si Salo sa Department of Migrant Workers (DMW) at sa Department of Foreign Affairs (DFA) na agad asikasuhin ang pagpapauwi sa bansa sa labi ng mga biktima.
Hinihiling din ni Salo sa Overseas Workers Welfare Administration gayundin sa kinauukulang ship owner o manning agency na magkaloob ng tulong at suporta sa pamilyang naulila ng dalawang Filipino crew members.
Kasabay nito ay umaapela rin si Salo sa lahat ng mamamayan na magkaisa sa pananalangin para mahinto na ang mga gera at karahasan sa buong mundo kung saan nakakalungkot na nabibiktima o nagiging collateral damage ang ating mga kaawa-awang kababayan.