Niluwagan na ng pamahalaan ang age restriction sa mga lugar na nakasailalim sa Modified General Community Quarantine (MGCQ).
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, simula February 1, pwede nang lumabas ang mga nasa edad 10 hanggang 65.
“Pero ibig sabihin po nito, yung mga bata na may edad na mas bata pa sa 10 at yung mga seniors na mas matanda pa sa 65 ay dapat stay home pa rin po,” ani Roque.
Hinimok din ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang mga local government unit (LGU) na paluwagin ang kanilang age restrictions sa mga lugar na nasa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ).
“Yung mga lokal na pamahalaan naman po sa mga lugar na GCQ e hinihikayat po natin na sana payagan na ring lumabas yung 10 to 65 [years old] pero uulitin ko po, desisyon pa rin po yan ng mga lokal na pamahalaan,” paliwanag niya.
Una nang sinang-ayunan ng Department of Trade and Industry (DTI) ang panukalang paluwagin ang age restriction sa MGCQ areas para madagdagan ang customer ng mga commercial establishment gaya ng mga mall na makakatulong sa pagbuhay ng ekonomiya ng bansa.
Noong Nobyembre matatandaang nagbabala si dating National Task Force Against COVID-19 special adviser Dr. Tony Leachon na posibleng maging “superspreaders” ng virus ang mga bata kung papayagan silang lumabas.