Agent Morales, ipina-cite in contempt ng Senado

Ipina-cite in contempt ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs si dating Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Agent Jonathan Morales matapos na magsinungaling ukol sa nakalagay sa kanyang Personal Data Sheet (PDS).

Sa pagdinig, binusisi ni Senator Jinggoy Estrada ang PDS ni Morales na noong una ay hindi maalala ni Morales kung handwriting niya ito, pero kalaunan ay inamin din na sulat-kamay at lagda niya ang nakalagay sa form.

Gayunman, itinatanggi ni Morales na siya ang nag-check ng “NO” tungkol sa tanong sa PDS form kung nahiwalay na ba ito sa serbisyo.


Tanong ni Estrada, kung hindi si Morales ang naglagay ng “NO” sa kaniyang PDS, malamang multo ang may gawa nito.

Nang tanungin ni Estrada ang PDEA tungkol sa claim ni Morales na sa PDEA galing ang PDS form at hindi sa kanya, agad na sinabi ni PDEA Compliance Service Director Atty. Ronnie Cudia na ang buong PDEA ay hindi si Jonathan Morales.

Tahasan namang sinabihan ng senador si Morales na sinungaling.

Kasunod nito ay nagmosyon si Estrada na ipa-cite in contempt ang dating PDEA gent dahil sa paulit-ulit na pagsisinungaling nito sa harap ng komite.

Nang walang tumutol sa mosyon, agad ipinag-utos ni Senate Committee Chairman Ronald “Bato” dela Rosa sa Office of the Sergeant-at-Arms ang pagpapakulong kay Morales dito sa gusali ng Mataas na Kapulungan.

 

Facebook Comments