AGFO, suportado ang kampanya ni PBBM hinggil sa paglaban sa katiwalian

Nagpahayag ng suporta ang Association of General and Flag Officers (AGFO) sa kampanya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. laban sa talamak na korapsyon, lalo na sa mga proyektong may kinalaman sa flood control.

Ayon sa grupo, hindi lamang simpleng pagnanakaw ang korapsyon, kundi isa itong banta sa seguridad ng bansa. Anila, kapag ninakaw ang pondo para sa mga proyektong panlaban sa kalamidad, direktang nalalagay sa peligro ang buhay ng mamamayan, nasisira ang kabuhayan, at nawawala ang tiwala ng publiko sa gobyerno.

Pinuri rin ng AGFO ang direktiba ni PBBM na imbestigahan at papanagutin ang mga sangkot sa anomalya.

Dagdag pa ng grupo, mahalaga na manatiling malinis at tapat ang mga institusyon upang matiyak na ang bawat sentimo sa pondo ay napupunta sa tamang proyekto at nakikinabang ang bawat Pilipino.

Nagpanukala pa ang AGFO na bumuo ng independent fact-finding body mula sa hanay ng opisyal at pribadong sektor upang masusing busisiin ang lahat ng maanomalyang flood control projects.

Facebook Comments