Cauayan City, Isabela- Sumailalim sa Aggressive Mass Testing ng Department of Health ang nasa kabuuang 1,621 na Novo Vizcayanos.
Ayon kay Provincial Health Officer Dr. Edwin Galapon, isinagawa ang nasabing mass testing sa mga contacts, sub-contacts at line-contacts ng mga kumpirmadong tinamaan ng COVID-19 mula sa iba’t ibang bayan sa probinsya.
Kinabibilangan ito ng 932 katao mula sa bayan ng Solano; 216 mula sa bayan ng Bagabag; 209 sa bayan ng Bayombong; 187 mula sa bayan ng Aritao at 77 sa bayan ng Dupax del Sur.
Ito ay paraan upang mapigilan ang mabilis na pagkalat ng virus sa mga nabanggit na bayan at tuluyang ma-contain ang paglala ng community at local transmission.
Naiatala naman ang ika-9 na death case sa lalawigan mula sa bayan ng Dupax del Sur dahil sa naging komplikasyon ng kanyang sakit.