Ipinasara ng pamunuan ng San Juan ang Agora Market matapos magpositibo sa COVID-19 ang isang vendor nitong nagdaang mga araw.
Ayon kay San Juan City Mayor Francis Zamora, kasalukuyan nang ginagamot sa isang Ospital ang vendor habang naka-isolate at na-swab test na rin ang kaniyang mga close contacts.
Hinihintay na lang aniya ang resulta ng swab test ng lahat ng mga kawani, manggagawa at vendors na nagtatrabaho sa naturang palengke kaya hindi na muna sila papayagang mag-operate at magtinda hangga’t hindi lumalabas ang kanilang mga resulta.
Nilinaw naman ni Mayor Zamora na kapag binuksan na ang Agora Market, ang papayagan lamang na makabalik ay ang mga nag-negatibo habang ia-isolate at ipapagamot naman ang mga nagpositibo.
Makakabalik lamang sila kapag may clearance na sila mula sa San Juan City Health Office na sila ay fit to work na muli.