Agot Isidro, binira si Bato: ‘Dapat ‘di kayo nag-senador’

Binanatan ng aktres at singer na si Agot Isidro si Senador Ronald “Bato” dela Rosa matapos aminin ng mambabatas ang pagkiling kay Pangulong Rodrigo Duterte sa isyu ng franchise renewal ng ABS-CBN.

Sa Twitter noong Martes, sinabi ni Agot na hindi na lamang sana tumakbong senador si Bato kung wala sa bayan ang kanyang katapatan.

Matatandang sinabi ng baguhang senador na sasamahan niya hanggang kamatayan ang Pangulo nang tanungin kung maiimpluwensyahan ba ni Duterte ang desisyon niya sa ABS-CBN.


“Tinatanong pa ba ‘yan sa akin? Ako, I will live and die with President Duterte. I will sink and swim with him,” ani.

Sagot ni Isidro, “Sir, allegiance to country first! Dapat di kayo nag-senador kung biased kayo.”

“Nakakapanlumo. Paano na, Pilipinas. Tayo-tayo lang ito,” dagdag niya sa post.

Iginiit naman ng senador na nagkataon lang na pareho sila ng takbo ng isip ni Duterte, ngunit aniya, “I’m not blind, I’m using my mind.”

Noong Miyerkules naman, kinastigo rin ni Isidro sa Twitter ang mungkahing gag order ni Solicitor General Jose Calida sa mga nakikisangkot sa inihain niyang quo warranto laban sa network.

“Good morning, Pilipinas! Sa mga kinauukulan, i-GAG nyo mukha nyo,” saad ni Isidro na kilalang kritiko ng administrasyon.

Facebook Comments