Naniniwala ang Department of the Interior and Local Government (DILG) na magiging “game changer” sa buong bansa kung gagayahin ng ibang lokal na pamahalaan ang agresibong pagpapatupad ng contact tracing sa pagtugon sa COVID-19 sa Metropolitan Cebu at Baguio City.
Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, magiging matagumpay ang Local Government Units (LGUs) kung paglalaanan ng pondo ng Kongreso ang para sa hiring at deployment ng karagdagang contact tracers sa ilalim ng Bayanihan 2.
Pinuri naman ni NTF Vice Chairperson ang malawak at agresibong contact tracing na ipinatutupad ngayon sa Cebu City para mabawasan ang COVID cases.
Sinabi ni Año, mahigit 7,000 contact tracing teams na may kabuuang 85,000 contact tracers ang nakakalat na sa buong bansa pero nangangailangan pa ng karagdagang 50,000.
Ito’y upang maabot ang recommended ratio ng World Health Organization (WHO) na isang contact tracer sa bawat 800 tao.
Paliwanag pa ni Año, ang kasalukuyang bilang ng contact tracers ay hindi pa nakakatugon sa 1:37 patient to close contacts ratio na rekomendasyon ni Contact Tracing Czar Mayor Benjie Magalong.
Ang tagumpay sa Cebu City ay maaari ring mai-ugnay sa pagbuo ng cluster clinics, barangay isolation centers at quarantine facilities, pagpakalat ng contact tracing teams, at malawakang testing at ang pagpapatupad ng data management system.