Iginiit ni Senator Imee Marcos na hindi dapat iasa lamang sa calamity declaration ang pagbibigay ng ayuda sa mga magsasaka at mga magbababoy o hog raisers para maka-agapay sa mga kalamidad tulad ng bagyo at mga sakit sa hayop.
Dismayado si Marcos na palagi na lang nakabitin ang mga lokal na magbababoy sa pagkaantala ng dagdag na ayuda na nakapaloob sa deklarasyon ng state of calamity.
Base sa Senate Bill 883 na inihain ni Marcos na nagtatakda ng “index-based insurance system,” ang anumang disaster declaration o assessment ng isang insurance company ay hindi na kinakailangan para mailabas ang tulong-pinansyal sa mga magsasaka at mga magbababoy.
Sa panukala ni Marcos ay hindi na kakailanganin ng mga magsasaka na mag-apply pa ng insurance claim para makakuha ng ayuda dahil ang mga tulong pinansyal ay awtomatiko nang ibibigay kapag natukoy na agad ang mga kondisyon ng panahon partikular ang ulan at hangin o dami ng mga tinamaan ng sakit ng hayop.
Nakapaloob din sa panukala ang panawagan ni Marcos sa Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) na paglikha ng “index-based insurance products” para mapalawak ang proteksyon sa mga hindi inaasahang mga pangyayari, na tinutukoy sa Article 1174 ng Civil Code kabilang ang mga “acts of God” o mga natural na pangyayari.
Kasama rin dito ang mga kagagawan ng mga tao na tulad ng pagnanakaw, mga riot o gulo, mga welga o giyera at mga pagbabawal ng gobyerno na maaaring mauwi sa mga kakapusan ng pagkain.