Agri-Puhunan at Pantawid program, inilunsad sa Mindanao

COURTESY: Presidential Communications Office

Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang paglulunsad ng programang Agri-Puhunan at Pantawid (APP) sa Mindanao.

Bahagi ito ng layunin ng pamahalaan na makamit ang seguridad sa pagkain sa pamamagitan ng tuloy-tuloy na suporta sa mga manggagawa sa sektor ng agrikultura.

Mismong si Pangulong Marcos Jr. ang nagkaloob ng iba’t ibang uri ng interbensyon sa Region 12, kabilang ang Sarangani, Cotabato, South Cotabato at Sultan Kudarat.


Bukod dito, namahagi rin ang Pangulo ng mga makinarya at kagamitang pansakahan sa piling mga lokal na pamahalaan at samahan ng mga kooperatiba ng mga magsasaka sa rehiyon.

Una nang inilunsad noong September 2024 ang nasabing programa para sa mga magsasaka ng palay na miyembro ng mga kooperatiba sa buong bansa.

Saklaw ng programa ang may 1.2 milyong ektaryang sakahan, kung saan target nitong mapataas ang ani at kita ng mga magsasaka sa pamamagitan ng murang pautang, tulong pinansyal at tiyak na merkado para sa kanilang ani.

Facebook Comments