Iniimbestigahan na ng Department of Agriculture (DA) ang posibleng sadyang pang-iipit ng mga traders sa pagpapalabas ng karne ng baboy na nagiging sanhi sa pagsipa ng presyo nito sa pamilihan.
Ang unang Suggested Retail Price (SRP) ng pork meat ay P190 per kilo.
Pero sa kasagsagan ng African Swine Fever (ASF) outbreak ay ginawa na itong P230 kada kilo.
Pero sa market monitoring ng DA, pumalo na sa P340 ang kada kilo ng karne ng baboy.
Ayon kay Secretary Dar, sa ginawa nilang imbentaryo ng pork meat products noong ikatlong linggo ng Oktubre, ang pinagsamang suplay ng frozen pork sa lokal at imported ay aabot pa sa 38,216 metric tons (MT).
Ito aniya ay mas mataas sa 55 percent sa parehong panahon noong 2019.
Ang mga ito ay nakaimbak sa mga National Meat Inspection Services (NMIS) accredited cold storages facilities sa bansa.
Babala ni Dar, hindi sila mangingiming na kasuhan ang sinumang hog growers at traders na sangkot sa anti-competitive practice at napapatunayang nagtatago ng suplay ng pork products.