Agrikultura, dagdag-sahod at trabaho, hiniling ng Senado na tutukan ni PBBM sa kanyang susunod na ikalawang taon

Hiniling ni Senate President Juan Miguel Zubiri na tutukan ni Pangulong Bongbong Marcos ang agrikultura, dagdag-sahod at trabaho para sa ikalawang taon na panunungkulan nito.

Sa assessment ng senador para sa isang taon ni PBBM sa panunungkulan, “8 out of 10” na grado ang ibinigay sa pangulo na aniya’y nagpakita ng kasipagan mula sa unang araw nito sa panunungkulan.

Iginiit ni Zubiri na bagama’t maraming problemang kinakaharap ang bansa tulad ng inflation ay maayos pa ring ginagampanan ng Punong Ehekutibo ang kanyang tungkulin.


Ilan sa mga rekomendasyon ni Zubiri para sa darating na ikalawang taon ng pangulo ang pagpapalawak pa sa Kadiwa Centers Program upang mawala na ang mga middleman at kumita ng malaki ang mga magsasaka.

Dapat din aniyang matutukan ang pagkakaroon ng farm to table programs upang mas mailapit sa mga consumer ang mga lokal na magsasaka.

Iginiit din ni Zubiri ang pagtutok sa labor sector upang magkaroon pa ng mga dagdag na trabaho at gayundin ang pagtiyak sa dagdag na sahod sa mga manggagawa.

Susuportahan din ng Senado ang lahat ng isusulong na panukalang batas ng administrasyon para masiguro ang maayos na pamamahala sa bansa.

Facebook Comments