Itinutulak ni Deputy Speaker at 1Pacman Partylist Rep. Mikee Romero ang pagkakaroon ng lead agency na mangangasiwa sa mga dams sa bansa.
Kasunod ito ng kalituhan sa kung alin bang tanggapan ang may pananagutan sa nangyaring pagpapakawala ng tubig sa mga dam na naging sanhi ng biglang pagtaas ng baha sa Metro Manila, Cagayan, Isabela at iba pang mga probinsya.
Sa House Bill 8016 ay isinusulong ang paglikha ng Management and Regulatory Council na bubuuhin ng National Irrigation Authority (NIA), National Power Corp. (NAPOCOR), National Water Resources Board (NWRB) at mga dam operators.
Ang mga ahensya na ito ay inaatasan na gumawa ng centralized framework o scheme para maalis at maisaayos ang lahat ng pinsala at banta na maaaring idulot ng mga dam gayundin ang makalikha ng methodology para sa mga ahensya na maging sensitibo sa pangangailangan ng mga kliyente.
Nakasaad sa panukala na ang council ang siyang mangangasiwa, magre-regulate at tutukoy sa “timely discharge” ng mga dam.
Obligado naman ang mga dam operators na magbigay ng sapat at early warning signals para sa mga lokalidad na maaaring maaapektuhan ng pagpapakawala ng tubig.
Magsisilbi ring monitoring at regulatory body ang Council para mapangasiwaan ng husto ang mga dam.
Sa kasalukuyan ay mayroong 18 major river basins, 4 sub-basins, at 9 dams ang bansa.