Ahensyang mangangasiwa sa lahat ng mga paliparan sa bansa, ipinalilikha ng isang senador

Ipinatatag ni Senator Grace Poe ang Philippine Airports Authority para mangasiwa sa lahat ng mga paliparan sa bansa.

Nakapaloob ito sa inihaing Senate Bill 1073 ng senadora upang sa gayon ay may iisang ahensya na mamamahala sa lahat ng mga paliparan sa bansa.

Sa panukala, ang Philippine Airport Authority ang mangangasiwa sa pangangalaga, modernisasyon, pagpapagawa at pagpapaangat ng kalidad ng mga airports upang matiyak na maganda, ligtas at pasado ito sa international standards.


Tinukoy ni Poe na mayroong 80 paliparan sa bansa na iba-iba ang nangangasiwa.

Aniya pa, karamihan din sa mga airport ay nasa ilalim ng operational at supervisory control ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP).

Iginiit ni Poe na dapat matanggal ang poder na ito sa CAAP lalo’t hindi makatwiran na ang ahensiya rin ang mag-iimbestiga sa sarili nito kapag may nangyaring kakulangan o pagkakamali sa airport na ito rin mismo ang nangangasiwa.

Facebook Comments