Ahente ng Alak, Naholdap-Higit Kumulang Isang Milyong Piso, Natangay!

San Mariano, Isabela – Natangay kahapon ng hindi pa nakikilalang mga suspek ang mahigit kumulang na isang milyong piso  na koleksyon ng isang ahente ng alak  sa kahabaan ng Brgy. Sta Filomena, San Mariano, Isabela.

Sa panayam ng RMN Cauayan kay Police Chief Inspector Fedimer Quitevis, hepe ng San Mariano Police Station, sinabi niya na ang mga biktima o tauhan ng isang ahente ng alak ay sina Dante Escorial Martin, tatlumpu’t anim na taong gulang, salesman; Mario Sandoval Casanding, tatlumpu’t dalawang taong gulang, helper; Danny Pineda Monzon, bente syete anyos, helper; Domingo Abad Corpuz, limampung taong gulang, may asawa, driver, at pawang mga residente ng Benito Soliven, Isabela.

Ayon pa kay PCI Quitevis, ipinarada umano ng drayber ang kanilang service truck sa nabanggit na lugar upang mamahinga lamang dahil katatapos nilang kumain kung saan habang nagpapahinga ay bigla umanong lumapit ang dalawang suspek na nakasakay ng itim na motorsiklo at nakasuot ng helmet.


Sinabi umano ng mga biktima na tinutukan sila ng maliit na klase ng baril ng mga suspek na nagawa namang tumakbo ang tatlo sa mga biktima at ang isa ay naiwan dahil sa natutulog umano sa likod ng kanilang sasakyan.

Natangay  ng mga suspek ang bag na naglalaman ng kanilang koleksyon na umaabot sa Php779,000.00.

Tumakas umano ang mga suspek sa direksyon na patungo sa Brgy. Minanga ng nasabi paring bayan at hanggang sa ngayon ay patuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad sa naturang pangyayari.

Facebook Comments