Duda ang Alliance of Health Workers o AHW sa kapasidad ng Department of Health (DOH) na hawakan ang sitwasyong tulad ng nCoV na maituturing na isang world health emergency.
Sinabi ni AHW President Robert Mendoza na hindi nakahanda ang DOH upang harapin ang nakakamatay at nakakahawang sakit na corona virus dahil sa papaliit na budget na inilalaan sa mga public hospitals.
Ayon pa kay Mendoza, maski ang mga ordinaryong sakit katulad ng TB, tigdas at iba pa ay hindi masugpo-sugpo, papaano pa kaya ang isang sakit na gaya ng nCoV.
Aniya, sa ganitong sitwasyon, ang mga health workers ang pumapasan sa napakatinding hamon.
Karamihan aniya sa mga ospital ay understaff at walang mga kompletong kagamitan para proteksyon ang mga health workers.
Tinukoy ng grupo ang kalagayan sa San Lazaro Hospital na bukod sa mababang sahod ay lantad pa sa mga nakakahawang sakit.