Naglabas ng saloobin si Comedy Queen Ai-Ai delas Alas sa kinahaharap na kasong frustrated homicide ng dating child actor na si Jiro Manio.
Inaresto ni Manio noong Sabado matapos ang umano’y panananaksak sa isang lalaki sa Marikina.
Sa Instagram video ng Kapuso actress nitong Linggo, sinabi niyang sana ay pinahalagahan ni Manio ang mga ibinigay niyang tulong sa nagdaang mga taon.
Noong 2015 nang mamataan si Manio, o Kiro Katakura, na pagala-gala sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at nabubuhay sa iniaabot na pagkain ng ibang tao.
Ipinasok siya ni Delas Alas, na gumanap bilang nanay niya sa pelikulang “Ang Tanging Ina”, sa rehabilitation center sa Quezon City.
Matapos makalabas sa rehab, umupa pa raw ang comedienne ng condo unit para kay Manio upang makapagsimula muli.
Kinumbinsi niya rin itong bumalik sa show business hanggang sa pumirma ng kontrata si Manio sa GMA Network para ganapan ang kanyang kuwento ng buhay.
Ngunit kuwento ni Delas Alas, “after two hours na pumirma kami, nag-text sa akin, sabi niya ‘Mama, ayoko na, ayoko na mag-artista.’ Sabi ko, ‘Anak patay tayo diyan. Kakapirma pa lang natin. Anong nangyari?”
Nang paiba-iba na ang desisyon nito tungkol sa nasabing proyekto, doon naisip ng aktres na hindi pa lubusang magaling si Manio.
Habang sumasailalim sa panibagong rehab sa Bataan, nabalitaan daw ni Delas Alas na bumalik sa paggamit ng marijuana si Manio at mula raw noon ay hindi na sila muling nag-usap pa.
“Parang ang dating sa akin, napagod na ako. Nawalan na ako ng pag-asa, wala na, parang hindi na magbabago ‘tong si Jiro. Sabi ko siguro tama na ‘yung nagawa ko para sa kanya” aniya.
Gayunpaman, nanawagan ang Kapuso actress na ipagdasal si Manio sa bago niyang kinahaharap.
“Siguro ang magagawa ko na lang ngayon ay magdasal. Hinihingi ko rin po na ipagdasal natin siya na malinawan ang isip niya. Kung ano man po ang mangyari sa kanya ngayon, sana matuto siya sa lahat lahat ng pinagdaanan niya sa buhay niya,” aniya.