
Naniniwala si Globe President and Chief Executive Officer (CEO) Carl Cruz na ang artificial intelligence (AI) ay higit pa sa isang makapangyarihang kasangkapan—ito ay nangangailangan ng pagbabago sa paraan ng pag-iisip ng mga lider at sa pagpapatakbo ng mga organisasyon.
Sa Amazon Web Services (AWS) Cloud Day Philippines 2025, sinamahan ni Cruz ang mga kapwa executive sa isang high-level panel tungkol sa GenAI revolution, kung saan binigyang-diin niya na ang AI ay hindi lamang tungkol sa pag-automate ng mga gawain o pagbabawas ng gastos.
“Generative AI has moved us past automation and into a new age of augmented intelligence,” aniya. “It’s no longer about doing things faster; it’s about unlocking creativity and creating relevance at scale.”
Ibinahagi ni Cruz kung paano ipinapasok ng Globe ang AI sa buong operasyon nito upang isulong ang kahusayan, mapataas ang karanasan ng mga customer, at mapadali ang inobasyon sa bawat antas. Ipinakikita ng Net Promoter Score (NPS) na 49 ng kompanya—lampas sa sukatan sa industriya—ang tagumpay nito sa paghahatid ng hyper-personalized services sa pamamagitan ng intelligent systems.
“We’re using AI to anticipate needs and connect with people more meaningfully,” aniya. Itinuro rin niya ang panloob na AI Enablement Program ng Globe, na nagbibigay-kapangyarihan sa mga empleyado na bumuo ng kanilang sariling AI tools kahit walang kaalaman sa coding.
Isang grupo, halimbawa, ang nakalikha ng bot na pinalawak ang pagsusuri sa mga pag-uusap mula 5% hanggang 100%, na nagbawas nang malaki sa gastos at nagpabuti sa quality assurance. Patunay ito, ayon kay Cruz, na ang inobasyon ay hindi palaging nagmumula sa itaas.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng responsible development. Patuloy na isinusulong ng Globe ang etikal na paggamit ng AI sa pamamagitan ng AI Advocacy Guild—isang “community of practice” na nakatuon sa responsableng inobasyon, batay sa lakas nito sa data privacy at cybersecurity. Dagdag pa rito, pinalalakas ng mga estratehikong alyansa sa GSM Association (GSMA), OpenAI, at Singtel’s Global Telco AI Alliance ang pangako ng Globe sa global best practices.
Ang pamamaraan ng Globe, na tinatawag ni Cruz na “AI Kitchen”, ay nagbibigay-prayoridad sa mga pangunahing kakayahan at pundasyon bago ilunsad ang mga indibidwal na gamit ng AI. “We assess each one like a business case,” ani Cruz. “We don’t build for the sake of it, we build for impact.”
Kinilala rin niya ang mga hamon na kaakibat ng paggamit ng AI, mula sa legacy systems hanggang regulatory constraints, subalit tinutugunan ng Globe ang mga ito sa pamamagitan ng mga nakatuon na programa sa integration at data maturity.
Sa pagtatapos ng panel, hinimok ni Cruz ang mga kapwa lider “to embrace curiosity, empower teams, and trade certainty for adaptability.”
“GenAI isn’t just a technology shift, it’s a mindset shift,” aniya. “We’re building a future where every Filipino is a digital Filipino who is equipped to thrive in an AI-powered world.”









