Desidido si Aiko Melendez na ituloy ang kasong libel na inihain niya laban kay dating Zambales Vice Governor Angel Magsaysay-Cheng na nagdawit sa aktres sa iligal na droga.
Hinihintay na lamang daw ng panig ni Aiko ang resolusyon ng piskalya kung may probable cause sa isinampa niyang kaso.
“Somebody has to learn a lesson, dapat managot. It’s not always na you’re a goody-goody, dapat kapag may ginawa ka, alam mo kung paano panagutan ‘yan,” ani Aiko sa press conference ng bago niyang afternoon series sa GMA-7 na “Prima Donnas”.
Sa kabila ito ng umano’y tangka ng piskalya na mamagitan at pagbatiin ang dalawang panig.
“Sinasabi nga nila, ‘Tapos na yung eleksyon, nanalo na kayo, patawarin niyo na.’ Oo, pero yung pagdudungis mo sa pangalan ng isang tao, kailangang ayusin mo rin. Linisin mo yung ginawa mo sa akin,” paninindigan ng aktres.
Muling tumakbo nitong nakaraang halalan si Magsaysay-Cheng, ngunit natalo ng kasintahan ni Aiko na si Jhay Khonghun.
Sinabi ng aktres na matindi ang idinulot ng paninirang-puri ni Magsaysay-Cheng kahit na hindi naman parte ng eleksyon ang aktres at tumayo lamang bilang taga-kampanya ng kanyang boyfriend.
“…‘yung iniwan mo sa’king dagok–yung sleepless nights, yung death threats na nakuha ko, e. Malay mo, one of these days, baka pag-akusahan ka na kasabwat ka sa isang drugs–it’s a very sensitive issue,” aniya.
Sa unang pagkakataon makalipas ang siyam na taon ay nagbalik si Aiko para gumawa ng proyekto sa GMA-7.
Nagsimula bilang Kapuso ang aktres na regular na napapanood noon sa “Bubble Gang”.
Ngayon aniya ay “freelancer” na siya.