
Lumipad sa himpapawid ang mga FA-50 fighter jets ng Philippine Air Force (PAF) kasama ang EA-18 Growlers ng Royal Australian Air Force para sa Dissimilar Air Combat Tactics at Basic Fighter Maneuvers kahapon Aug. 19, 2025, bilang bahagi ng nagpapatuloy na Philippines-Australia Amphibious and Land Operations 2025.
Ipinakita dito ang lumalakas na kakayahan ng PAF sa air combat at ang patuloy na pagtutok nito sa mas matatag na interoperability kasama ang mga kaalyado at katuwang-bansa.
Nagsimula nitong Aug. 15 at tatagal hanggang Aug. 29, ang ALON exercise 25 na isang bilateral training ng Armed Forces of the Philippines at Australian Defence Force na isinasagawa sa Joint Operational Areas ng Northern Luzon Command at Western Command.
Layon ng pagsasanay na palalimin ang kooperasyon sa depensa, patibayin ang kakayahang magsanib-puwersa, at maging handa sa pagtugon sa mga banta sa rehiyon.
Pinatitibay din nito ang lumalawak na Philippines-Australia strategic partnership, lalo na sa usaping depensa at seguridad.









