Gagamitin pa rin ng mga bansa sa rehiyon ang bahagi ng West Philippine Sea na balak isailalim ng China sa kanilang Air Defense Identification Zone (ADIZ).
Pahayag ito ni Department of National Defense (DND) Secretary Delfin Lorenzana makaraang sinang-ayunan ang pahayag ni US Pacific Air Force Commander General Charles Brown na iligal ang pagtatag ng China ng ADIZ sa West Philippine Sea.
Paliwanag ng kalihim, mula pa noong unang panahon bukas sa navigation at pangingisda ang karagatan na gustong sakupin ng China sa kanilang ADIZ.
Aniya, ang hakbang ng Beijing ay lumalabag sa mga Exclusive Economic Zone (EEZ) ng mga bansang nakapalibot sa karagatan, na itinakda ng United Nations Convention on Law of the Seas (UNCLOS), kung saan signatory ang Beijing.
Dahil dito, ituturing ng maraming bansa bilang iligal ang ADIZ ng China at hindi ito susundin na maaring magdulot ng tensyon sa rehiyon.
Umaasa ang kalihim na hindi itutuloy ng China ang kanilang binabalak na ADIZ, para sa kapayapaan at stability sa buong rehiyon.