Tiniyak ni Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Guillermo Eleazar na nakahanda ang lahat ng air, sea at land assets ng PNP para sa National Vaccination Program.
Ginawa ni Eleazar ang katiyakan matapos atasan ng Pangulong Rodrigo Duterte ang PNP at militar na gamitin ang kanilang mga sasakyan sa paghahatid ng bakuna sa mga rehiyon.
Ayon kay PNP chief , inatasan na niya ang mga regional directors na makipag-coordinate sa mga Local Government Units (LGUs) para sa logistics ng paghahatid ng bakuna, at magdagdag ng mga pulis kung kinakailangan.
Tiniyak din ni Eleazar na handa ang PNP Medical Reserve Force para tumulong sa pagbabakuna kung kakailanganin.
Utos din ni Eleazar na lahat ng mga police units na tumulong sa information campaign sa pamamagitan ng kanilang mga social media platforms at “Oplan Bandillo” para himukin ang mga mamayan na magpabakuna.
Ito ay sa harap nang patuloy na pagdating ng supply ng bakuna sa bansa at pagsisimula ng pagbabakuna sa mga menor de edad.