Aircraft ground handler na nagsakay ng mga ipinuslit na foreign nationals sa NAIA, ipatatawag din sa imbestigasyon ng Senado

Pahaharapin sa imbestigasyon ngayong araw ng Senate Blue Ribbon Committee ang Globan Aviation Service Corporation, ang lokal na kompanya na nagsilbing aircraft ground handler na nagpalusot ng mga foreign national palabas ng bansa na hindi tiyak kung dumaan ba sa tamang proseso.

Matatandaang isiniwalat ni Senator Grace Poe sa kanyang privileged speech kamakailan ang umano’y human smuggling gamit ang private plane sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Napag-alaman na ang Globan Aviation ang parehong kompanya na nagtangkang ipuslit palabas ng bansa ang magkapatid na Mohit at Twinkle Dargani na sangkot sa maanomalyang pagbili ng gobyerno ng medical supplies sa Pharmally.


Ayon kay Poe, mukhang malalim na ang koneksyon ng Globan Aviation sa sistema at posibleng may mga kakilala na ito sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), sa Manila International Airport Authority (MIAA), sa Immigration, at sa Customs.

Aalamin sa imbestigasyon kung may nangyaring sabwatan sa pagitan ng Globan at ng Immigration kaya pinayagan na pasakayin ng eroplano ang isang idinagdag sa anim na pasahero kahit ito ay wala sa manifesto.

Sakaling hindi humarap sa imbestigasyon ang Globan Aviation ay ipasa-subpoena ang mga opisyal nito ng Blue Ribbon.

Facebook Comments