Airport security chief, pinagbibitiw sa pwesto ni Speaker Romualdez

Pinagbibitiw na sa pwesto ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez si Office of Transport Security o OTS Chief Mao Aplasca dahil sa kabiguan nitong matuldukan ang paulit-ulit na iligal at kasuklam-suklam na mga aktibidad ng security personnel sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Babala ni Romualdez, isusulong niya na huwag mabigyan ng pondo sa susunod na taon ang tanggapan ng OTS kung hindi magsusumite ng courtesy resignation si Aplasca.

Diin ni Romualdez, marapat na magbitiw si Aplasca alinsunod sa prinsipyo ng command responsibility para mabigyang daan ang malawakang balasahan sa airport security office.


Ang hirit ni Romualdez laban sa OTS chief ay bunga ng pagkadismaya bunsod ng pinakahuling report kung saan nilunok umano ng isang babaeng OTS security scanner ang perang ninakaw umano sa isang turista.

Kaugnay nito ay pinayuhan ni Romualdez si Transportation Secretary Jaime Bautista na bantayang mabuti ang kanyang bakuran dahil posibleng may sumasabotahe sa kanya kaya nakakalusot ang ganitong insidente.

Facebook Comments