Paiimbestigahan ng hiwalay ni Senator Imee Marcos ang AKAP o ang Ayuda sa Kapos ang Kita Program matapos na masita ang programa sa naging pagdinig ng Senate Committee on Electoral Reforms patungkol sa naging proseso ng pangangalap ng lagda sa People’s Initiative para sa charter change.
Nagdesisyon si Sen. Marcos na gawan ng hiwalay na pagsisiyasat ang AKAP dahil lumilihis na ito sa paksa ng People’s Initiative kung isasabay nila sa imbestigasyon.
Batay sa nakuhang impormasyon ng mambabatas, gagamitin ang nasabing programa at pondo bilang premyo upang makalikom ng mas maraming lagda para sa People’s Initiative.
Aminado naman si Sen. Marcos na nalusutan siya ng naturang pondo at hindi niya napansin na naisama sa pumasang 2024 budget ang AKAP.
Subalit sa kopya ng 2024 General Appropriations Act. ay makikitang may nakapasok na probisyon tungkol sa AKAP na may pondong P26.7 billion at may lagda rito ang senadora pero tila hindi niya naman ito matandaan.