
Ginarantiyahan ni House Committee on Appropriations chairperson Rep. Mikaela Suansing na walang magiging reincarnation o muling pagkabuhay sa 2026 National Budget ang kontroberyal na Ayuda para sa Kapos ang Kita Program o AKAP.
Tiniyak ito ni Suansing makaraang sabihin ni Senate Committee on Finance chairman Sherwin Gatchalian na hindi ito papayag na may mga proyektong masasamang bigla sa pagtalakay ng Bicameral Conference Committee sa proposed 2026 budget tulad ng AKAP.
Ayon kay Suansing, sa pagsalang sa Bicam ng panukalang pambansang budget sa susunod na taon ay tangi nilang tututukan ang “disagreeing provisions” sa pagitan ng bersyon ng Kamara at Senado.
Ang AKAP ay hindi rin pinondohan sa ilalim ng 2026 National Expenditure Program (NEP).
Batay sa naging paliwanag ng Department of Budget and Management (DBM) ay mayroon pang natitirang P13-bilyong sa pondo ng AKAP nitong Agosto.









