Ako Bicol Party-list, hihilingin sa COMELEC na maitalaga na ang kapalit ni Elizaldy Co

Ayon kay Ako Bicol Party-list Rep. Alfredo Garbin, isusumite nila sa Commission on Elections (COMELEC) ang resgination letter ni Elizaldy Co kasama ang request para sa kanyang magiging kapalit na kinatawan sa kamara.

Binanggit ni Garbin na si John Chan na maglalabas din sila ng resolusyon na nagsasaad ng pangalan ng kanilang third nominee na si Atty. Jan Almario Chan na nakalinyang pumalit kay Co.

Paliwanag ni Garbin, base sa proseso ay inaasahang magpapadala ang COMELEC ng certification of proclamation sa House of Representatives.

Kapag ito ay natanggap na ng House Secretary General ay tatalakayin at pagtitibayin na ito sa plenaryo.

Binanggit ni Garbin na naiwan ding bakante ni Co ang pagiging pangulo nya ng Party-list Coalition Foundation o PCFI kaya inaasahang maghahalal din sila ng kanyang kapalit sa susunod na linggo.

Magugunitang si Co ay nagbitiw bilang miyembro ng Kamara sa gitna ng mga ibinabatong alegasyon sa kanya at ethics complaint kaugnay sa budget insertions at maanumalyang flood control projects.

Bukod dito ay nagsumite rin si Co ng leave of absence sa Ako Bicol Party-list.

Facebook Comments