Dahil sa pagtaas sa level 3 ng alerto ng Bulkang Mayon, ay inatasan na ni Representative Elizaldy Co ang Ako Bicol Party-list upang ihanda na ang mga kaukulang tulong sa mga komunidad na lumikas sa kanilang mga tahanan.
Binanggit ni Co, na nakapagbigay na sila ng pagkain, tubig, tirahan, at tulong medikal sa mga pamilyang lumikas dahil sa aktibidad ng bulkan.
Ayon kay Co, nakikipag-ugnayan na ang Ako Bicol Party-list sa mga lokal na pamahalaan, kinauukulangang ahensya at iba’t ibang organisasyon para sa maayos na paghahatid ng tulong sa mga komunidad na apektado ng krisis.
Malugod naman na binisita nina Ako Bicol Congressman Jil Bongalon at Department of Social Welfare and Development o DSWD Secretary Rex Gatchalian si Albay Governor Grex Lagman kung saan nagkaroon sila ng pulong kasama ang mga local chief executives na apektado ng aktibidad ng Bulkang Mayon.
Sinundan ito ng pagbisita at pag-inspeksyon ni Gatchalian sa DSWD warehouse sa Bogtong, Legazpi City at Pawa Warehouse.
Binisita rin ni Congressman Bongalon at Secretary Gatchalian ang mga kababayan sa Daraga na apektado ng pagputok ng Bulkang Mayon at sila ay namahagi ng food packs.