
Inalmahan ni Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co ang alegasyong nangomisyon kaugnay ng isyu ng flood control projects.
Sa kanyang statement, sinabi ni Co na walang basehan at iresponsable ang mga akusasyon sa kanya, na lumabas sa pagdinig ng Senado partikular ang mga inihayag ng mag-asawang Discaya.
Ayon kay Co, ang mga alegasyon ay hindi lamang “hearsay” kundi politically motivated, para lituhin ang publiko at ilihis ang accountability.
Pagdating sa usapin ng 2025 General Appropriations Act (GAA) sinabi ni Co na ito ay sertipikado at aprubado ng Kamara at Senado, at pirmado ni PBBM,
Nabanggit pa aniya sa Senado na na-veto ng pangulo ang ilang probisyon, at pinigil ang paglalabas ng ilang pondo para sa mga proyekto.
Pero ang validity ng 2025 GAA ay nahaharap sa kaso sa korte Suprema at Ombudsman.
Kaya hindi siya makakapag-komento hinggil dito, bilang paggiit sa karapatan na sumagot kapag inobliga ng korte.
Una rito, isiniwalat nina Curlee at Sarah Discaya na nakatatanggap umano ng porsyento sina Co at Speaker Martin Romualdez mula sa kickback sa mga proyekto na na-award sa kumpanya ng mag-asawa.









