AKSIDENTE | Lolo na nagtitinda ng dyaryo, patay matapos mabundol ng bus

Manila, Philippines – Patay ang isang lalaki matapos mabundol ng isang pampasaherong bus sa eastbound lane ng Ortigas Avenue Extension sa Cainta Rizal.

Kinilala ang biktima na si Pablito Borja, isang vendor ng diyaryo sa Taytay Public Market at nasa walumpung taong gulang.

Ayon kay Traffic Inspector Alex Ramirez, dala ang panindang diyaryo, sumampa ng concrete barrier si borja upang makatawid sa kabilang kalsada.


Tiyempo naman na parating ang prince shuttle bus na minamaneho ni Dante Bonador at nasalpok ang biktima na naging dahilan ng pagkamatay nito.

Mismong mga diyaryong na sana’y ititinda ng biktima ang siya ring pinangtakip sa kanyang bangkay.

Depensa ni Bonador, madilim sa paligid kaya hindi niya napansin ang biktima, hindi rin umano tamang tawiran ang lugar.

Ilang metro lamang kasi mula dito sa lugar ng aksidente ang overpass na siyang tawiran ng mga pedestrian.

Handa naman umano ang driver ng bus sa anumang kaso na maaaring isampa laban sa kanya.

Facebook Comments