“AKSYON, HINDI PANGAKO” SUBSIDIYA PARA SA LAHAT, HILING NG MGA MAGSASAKA SA KABILA NG PAGSIRIT NG PRESYO NG KRUDO

Hindi lamang dagdag na subsidiya kundi konkretong aksyon mula sa pamahalaan ang iginigiit ngayon ng mga magsasaka sa Pangasinan sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo at deklarasyon ng State of National Energy Emergency.

Sa panayam ng IFM News Dagupan, ibinahagi ni Juanito Z. Español, President, Pangasinan Confederation of Irrigators Association, Inc., na umaabot sa 10 litro ng krudo ang kanyang nagagamit kada araw sa pagpapatubig, na nagkakahalaga ng mahigit P1,000.

Aniya, halos nauubos na ang kanilang kita mula sa ani sa gastos sa krudo, na ngayo’y halos umabot ng P130 kada litro.

Dahil dito, umaasa ang mga magsasaka huwag lamang puro pangako kundi agarang aksyon ang kanilang matanggap dahil sa matinding epekto ng mahal na krudo lalo na sa gumagamit ng makina bilang patubig sa mga palayan.

Ayon sa Department of Agriculture (DA), P50 milyong fuel subsidy ang inilaan para sa mga rice farmer sa buong bansa.

Gayunman, iginiit ng ilang magsasaka na hindi ito sapat at hindi makatarungan kung isasaalang-alang ang dami ng mga benepisyaryong nangangailangan ng tulong, lalo na sa patuloy na krisis sa krudo. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments