Tiwala si Senate President Vicente “Tito” Sotto III na maipapasa sa takdang panahon ang panukalang 2021 National Budget at maiiwasan na magkaroon ng reenacted budget sa susunod na taon.
Sinabi ito ni Sotto makaraang magpatawag si Pangulong Rodrigo Duterte ng Special Session sa susunod na linggo para ipasa ang proposed 2021 budget na sinertipikahan din niyang urgent.
Lumutang ang posibilidad na hindi maipasa sa tamang panahon ang 2021 budget makaraang isuspinde ng maaga ni House Speaker Alan Peter Cayetano ang session ng kamara kahit hindi pa nila naipapasa ang budget para maisumite agad sa Senado.
Diin ni Senate Finance Committee Chairman Senator Sonny Angara, malaking tulong ang kilos ng Pangulo dahil kapag naipasa ng Kamara ang pambansang budget ay mapapabilis ang pagpadala nito sa Senado para maumpisahan ang pagtalakay ng mga Senador.
Buo din ang suporta ni Senator Panfilo “Ping” Lacson sa hakbang ng Pangulo para hindi maapektuhan ang proseso sa pagpasa sa pambansang budget ng agawan sa liderato ng mababang kapulungan.
Diin ni Lacson, national interest o para sa kapakanan ng bayan ang pambansang budget kaya maaring gawin ng Pangulo ang lahat ng kailangang gawin para ito maisabatas sa takdang panahon.
Ang mungkahing special session ay naunang inihayag nina Senator Sotto at Senator Christopher “Bong” Go, kaakibat ang paliwanag na kapag hindi naipasa sa oras ang 2021 budget ay maaapektuhan ang mga nakalinyang proyekto at programa ng gobyerno lalo na ang pagtugon sa COVID-19 pandemic.