Manila, Philippines – Sa Metro Manila sisentro ang isasagawang kilos protesta ng mga militanteng grupo sa Luneta Park sa Maynila pag patak ng alas-4 ng hapon sa bukas, (Setyembre 21).
Bago nito, umaga pa lamang bukas ay magsasagawa na ng magkakahiwalay na kilos protesta ang iba’t ibang grupo sa Bonifacio Shrine, UST España Blvd., Mendiola, at iba pang mga unibersidad.
Ilan sa mga grupo na lalahok sa kilos protesta ay ang grupong:
Bagong Alyansang Makabayan
Movement Against Tyranny
Gabriella
League of Filipino Students
Kilusang Mayo Uno at mga mag-aaral.
Una nang sinabi ng Grupong Bayan na magiging organisado at mapayapa ang isasagawa nilang pagkilos, kung saan pinaalalahanan pa ng grupo na hindi maaaring magsunog ng effigy o manigarilyo sa bisinidad ng Luneta Park.
Una na ring tiniyak ng pamunuan ng Manila Police District na nasa isang libong pulis ang kanilang ipakakalat para matiyak ang seguridad ng lahat ng makikibahagi sa kilos protesta at ang pagpapatupad ng maximum tolerance.