Inaresto ang isang political activist sa India matapos na may magkasakit sa pag-inom ng ihi ng baka sa isang pagtitipon para umano labanan ang novel coronavirus, ayon sa pulisya nitong Miyerkules.
Dinakip si Narayan Chatterjee, Bharatiya Janata Party (BJP) activist, sa umano’y pag-oorganisa ng naturang pulong at panghihimok sa isang volunteer na uminom ng ihi ng baka, ayon sa Kolkata police sa ulat ng Agence France-Presse (AFP).
Nitong Martes nang magkasakit ang volunteer at magreklamo sa awtoridad na nauwi sa pagkakaaresto ng aktibista.
“It’s unfortunate that Chatterjee was arrested for expressing his opinion organizing the event. We don’t know if the civic volunteer was forced to drink cow urine,” komento rito ng presidente ng BJP-West Bengal branch.
Marami sa India, na isang Hindu-majority country, ang itinuturing ang baka bilang sagrado at naniniwalang nakagagaling ng kahit anong karamdaman ang ihi nito.
Noong nakaraang linggo, dose-dosenang Hindu activists ang nagsama-sama sa New Delhi para magsagawa ng fire ritual at uminom ng ihi mula sa mga palayok.
Isang tindero ng gatas sa parehong lugar ang inaresto noong Martes sa pagbebenta rin ng ihi at tae ng baka sa dahilang pangontra ito sa virus.
Ayon sa pulis, ibinebenta ni Sheikh Masud ang ihi sa halagang 500 Indian rupees (P340) kada litro at ang tae ng 400 rupees (P270) kada kilo.
Sinabi ni Masud sa awtoridad na nahimok lang siyang magbenta matapos mabalitaan ang naganap na pagtitipon sa Delhi.
Humihingi pa ang AFP ng komento mula sa Ministry of Health at World Health Organization sa India hinggil sa epekto ng ihi ng baka sa COVID-19.